NOTE: An old post of mine I found in my Facebook notes... This is supposed to be the first story of a collection of short stories about hell that I've planned of doing last year.
Ayoko rito. Napakainit. Napakabaho. Napakadilim. Lahat, sumisigaw sa sobrang sakit, galit, hinagpis, pagsisisi. Lahat, nabubulok nang buhay. Walang Diyos. Walang kapayapaan. Walang kasiyahan. Walang katapusan...
Teka.
Naaalala kita...
Ikaw!
Kasama kita sa church band. Noong buhay pa ako. Ang saya nga natin noon. Parang ayaw na nating tumigil sa pagtugtog. Sabi mo nga, di tayo basta tumutugtog lang. Sumasamba tayo sa buhay na Diyos. Tama ka...
Alam mo ba, nalaman ko na ang pagsamba sa Diyos ay di lamang sa loob ng simbahan. Dapat pala'y isinasabuhay natin ang mga tinutugtog at inaawit natin. Ang masakit pa, ngayon ko lang iyon nalaman. Ngayon kung kailan huli na ang lahat...
Di niyo alam, may mga bisyo ako. Itinatago ko lang sa inyo. Nahihiya ako, e. Saka baka magalit kayo sa akin. Di ko talaga siya mabitawan, e... Akala ko noon, sapat na 'yung tumanggap ako kay Jesus, at sapat na rin 'yung sumali ako sa worship team at magsimba tuwing Linggo. Di mo naman kailangang magpaka-holy-holy, iniisip ko noon. Di naman nila alam. Saka patatawarin ka naman ni Lord.
Pero do'n ako nagkamali.
Noong namatay ako sa aksidente, umiyak man kayo sa burol ko ay kampante kayo. Ang alam ninyo, magkikita-kita tayo sa langit. Do'n tayo tutugtog habang buhay, sabi mo pa nga. Ine-expect ko pa nga na 'yon ang mangyayari, e. Pero hindi...
Kuya, natatakot ako. Natatakot akong di na mangyayari 'yun. At di na nga mangyayari. Alam kong mapupunta kayo ng langit. Alam kong sabay-sabay kayong tutugtog at kakanta roon ng walang katapusang papuri sa Diyos. At makakapiling niyo na Siya habang buhay. Doon, masaya kayo, kasama ng lahat ng mga tumanggap kay Kristo at sumunod sa Kanya. Wala nang sakit, lungkot, kasalanan...
Samantalang nandito ako... Marami man kami rito, di ako masaya. Nasusunog kami sa init. Di kami makahinga nang maluwag. Pagkain kami para sa mga uod. Sumisigaw kami sa hapdi.
Ayoko na!!!
Lord, patawarin mo po ako... Sana, inalay ko nang buong-buo ang buhay ko sa 'yo!
Nagsisisi ako kasi I've lived a double life--kalahati kay Lord, kalahati sa diyablo. Ngayon, di ko na maibabalik ang buhay ko. Kahit anong sigaw, iyak, at pagpupumiglas ang gawin ko, di ko na maibabalik ang nakaraan. Kung mabuhay lang sana ako ulit!
Sayang.
Kuya, magpatuloy ka lang kay Lord, a. Pakisabi na rin sa mga kabanda. Pakisabi na rin sa marami pang mga nananampalataya na kay Jesus. Kapag tumanggap na tayo kay Jesus, dapat ay talikuran na natin ang makasalanang buhay at sumunod sa Kanya. Isuko sa Kanya ang lahat-lahat: puso, isipan, kaluluwa; lahat ng aspeto ng buhay...
Sobra-sobra ang lungkot na nararamdaman ko. Di na tayo magkakasama. I will miss you, guys. Forever...
Kuya, ipangako mo sa aking di ka tatalikod sa Kanya, a? Ipangako niyo sa aking di kayo manghihinayang na isuko ang mga dapat isuko sa Kanya. Ipangako ninyo sa aking di kayo pupunta rito, a? Ayokong danasin ninyo ang nararanasan ko ngayon, at mararanasan ko pa sa darating pang mga araw... Walang katapusang hapdi, hinagpis, parusa... Aasahan kong tutuparin ninyo ang pangako niyo, a? Ipangako mo sa akin 'yan! Ipangako mo sa Diyos 'yan!
Ayoko rito!!! Di ko na kaya...
(Try-try lang gumawa ng kuwento. Pero seryoso ang message niyan, a... Glory to God.)
September 8, 2010
No comments:
Post a Comment